Ads Top

IKA-30 KASO NG COVID-19 NAITALA SA LALAWIGAN

Nasa 17 na ang kasalukuyang bilang ng aktibong kaso ng COVID19 sa Lalawigan ng Sorsogon matapos na mag positibo ang isang locally stranded individual (LSI) mula Metro Manila.


Kinilala ni Governor Chiz Escudero ang pasyente bilang si Rene Jolloso Gargallo Jr., 25 taong gulang mula sa Brgy. Culasi, bayan ng Matnog.


Si Gargallo ay boluntaryong pumirma ng waiver para maisapubliko ang kanyang pangalan at madaling matunton ng lokal na awtoridad ang mga iba pang nakasalamuha niya. Ang huli ay naka rehistro bilang Bicol #478 at Sorsogon #30.


Ayon sa Provincial Health Office si Gargallo ay nagtrabaho bilang construction worker sa isang mall sa Quezon City at tumira sa isang construction barracks sa Ugong, Valenzuela kung saan isang buwan siyang nanatili.


Umalis siya ng Metro Manila noong July 21 at dumating kinabukasan sa bayan ng Matnog sakay ng pampasaherong van. Si Gargallo at walong pasahero — anim na taga Matnog din at dalawa mula Gubat — ay dumiretso sa Matnog Central School Quarantine Facility.


Si Gargallo ay sumailalim sa rapid test lmatapos ang anim na araw at lumabas ang negatibong resulta kaya pinayagan siyang makauwi para ituloy ang kanyang home quarantine. 


Subalit agad naman siyang ibinalik sa Matnog Central School dahil sa bagong polisiya ng Provincial Health Office na dapat isailalim sa RT/PCR o swab test ang mga dumarating galing sa mga Covid high risk areas tulad ng Metro Manila.


Kasalukuyang nagsasagawa ng contact tracing ang Municipal Epidemiology Surveillance Unit (MESU) katulong ang PNP upang matunton ang iba pang nakasalamuha ni Gargallo.

No comments:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of Sorsogon-News. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Powered by Blogger.