Serye ng aksidente, naitala sa Sorsogon City
Sor. City DRRMO Photo |
Nakapagtala ang mga otoridad ng serye ng mga aksidente sa sasakyan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Sorsogon sa mga unang araw pa lamang ng bagong taon.
Pinakahuling insidente, ang pagkakabangga ng isang Isuzu SUV sa nakaparadang Isuzu Elf Van, bandang alas 8 ng gabi, Enero 3 sa National Highway, Barangay Timbayog, Casiguran, Sorsogon.
Wasak ang harapan ng SUV nang bumangga ito sa van habang ligtas at wala namang nasugatan sa mga pasahero ng SUV.
Una nito, isa ang nasawi sa nangyaring vehicular accident sa Brgy. Bulabog, Sor. City, alas 2:06 ng hapon noong Biernes makaraang salpukin ng Ultrabus ang likuring bahagi ng isang pampasaherong jeep na bababa sana ng pasahero.
Kinilala ang nasawi na si Judy Napili Belmonte, 48-anyos, residente ng Brgy. Kalaw, Prieto Diaz, Sorsogon na idineklarang Dead on Arrival ng attending physician habang sugatan ang labing pitong pasahero ng PUJ.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, mabilis ang pagpapatakbo ng sasakyan ni Santiago Niera Yolip Jr na nakikipagkarerahan umano sa mga kasunurang sasakyan.
Sa kabilang dako, sugatan ang isang Jing Jing Franca Hagos, 18 taong gulang na dalaga matapos mabundol ng kotse, bandang sa Barangay Ponong, Casiguran, Sorsogon.
Tumatawid sa national highway ang biktima papunta sa kanyang kaibigan nang biglang mabundol ng kotse.
Patay naman ang menor de edad na binata sa isang vehicular accident sa lungsod ng Sorsogon na naitala noong Huwebes, Enero 2, 2020.
Ang biktima ay nakilalang si Joshua Giloc Guban, 16-anyos at residente ng Barangay Cabarbuhan, Bacon District.
Kasunod nito, paalala ng mga otoridad sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
No comments:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of Sorsogon-News. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.