PANGALAWANG KASO NG PAGKAMATAY SA COVID NAITALA SA LALAWIGAN
By Sorsogon Provincial Information Office
Kinumpira ng DOH Bicol ang ikalawang pasyente ng Covid-19 na namatay sa lalawigan ng Sorsogon ngayong araw.
Nagpahayag ng pakikiramay si Governor Chiz Escudero sa mga kaanak nang pumanaw na si Francisco Bayoca, 79 taong gulang ng Brgy. Maningcay, Prieto Diaz.
Si Bayoca na tinaguriang Bicol Patient No. #423 ay boluntaryong pumirma ng waiver para maisapubliko ang kanyang pangalan ng sumailalim siya sa RT/PCR noong Hulyo 27.
Ayon sa ulat ng DOH Bicol, Hulyo 26 ng unang nagpakonsulta si Bayoca sa Prieto Diaz Municipal Hospital matapos makaramdam ng sintomas na kahalintulad sa COVID19 virus at agarang dinala sa isang pribadong ospital sa Sorsogon City.
Si Bayoca ay walang travel history subalit napag-alaman ng Provincial Health Office na may mga kamag-anak ito na mula Metro Manila ang dumalaw noong Hulyo 19 sa burol ng kanyang asawa na pumanaw noong Hulyo 16. Ang mga kamag-anak ay may dalang resulta ng rapid test na negatibo at isinailalim sa home quarantine.
Sa ngayon patuloy ang ginagawang contact tracing ng Municipal Epidemiology and Surveillance Unit (MESU) ng bayan ng Prieto Diaz sa mga kapamilya ni Bayoca at sa mga taong pwedeng nakasalamuha ng mga ito. - #
No comments:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of Sorsogon-News. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.