4 na panibagong kaso ng Covid-19 sa Sorsogon, muling pinangalanan ni Gov. Chiz
Apat na mga locally stranded individual (LSI) at isang nurse ang panibagong kaso ng nagpositibo sa COVID19 virus sa lalawigan, ayon sa ulat ng DOH Bicol kagabi.
Kinilala ni Governor Chiz Escudero ang apat na LSI na sina Teresita Latosa Mingo, 64 taong gulang mula Brgy. Salvacion, Bacon District Sorsogon City; Zaira Lagramada Feolino, 23 taong gulang at ang live-in partner nitong si Glenn Lascota Duazo, 24 taong gulang parehas mula Brgy. Bibincahan, Sorsogon City; Rowena Mataverde Gozo, 38 taong gulang ng Brgy. Aquino sa bayan ng Bulan; at ang nurse na si Kris Duka Polinag, 30 taong gulang mula Brgy. Boton sa bayan ng Casiguran.
Sila ay boluntaryong pumirma ng waiver para maisapubliko ang kanilang mga pangalan at madaling matunton ng mga awtoridad ang iba pa nilang nakasalamuha.
Ayon sa ulat, si Mingo na nakarehistro bilang Bicol Patient No. 656 ay bumiyahe pauwi ng Sorsogon mula Tenejeros sa siyudad ng Malabon kasama ang apat na pasahero at tatlong drivers noong Agosto 1. Siya ay prinoseso sa Cabid-an Processing Unit at inilipat sa Salvacion Elementary School Quarantine Facility.
Si Feolino at Duazo ay tumungo sa Sorsogon mula Don Carlos sa siyudad ng Pasay kasama ang dalawa pang pasahero lulan ng isang pribadong sasakyan noong Hulyo 27.
Matapos silang mai-proseso sa Cabid-an Processing Unit, sila ay inilipat sa Bibincahan Elementary School Quarantine Facility kung saan sila sumailalam sa RT/PCR test o swab test noong Agosto 5.
Si Feolino na nagtatrabaho bilang isang service crew sa siyudad ng Taguig ay nakarehistro bilang Bicol Patient No. 657 habang si Duazo na isang car dealer ay nakarehistro naman bilang Bicol Patient No. 658.
Samantala, si Gozo na nakarehistro bilang Bicol Patient No. 659 ay dumating sa Sorsogon mula siyudad ng San Juan noong Hulyo 29 sakay ng nirentahang pampasaherong van kasama ang pitong pasahero at isang driver. Matapos dumaan sa Cabid-an Processing Unit sila ay dumiretso sa Sabang Quarantine Facility kung saan sila sumailalim sa RT/PCR test o swab test noong Agosto 5.
Sa ilalim ng Executive Order No. 51-2020, pinag-uutos ni Governor Chiz ang mandatory swabbing sa mga LSI na magmumula sa Metro Manila sa ika-pitong araw ng kanilang pamamalagi sa quarantine facility. Ito ay para agarang mapangalagaan ang mga LSI na magpopositibo sa naturang virus at maihiwalay din sa karamihan.
Samantala, si Polinag na nakarehistro bilang Bicol Patient No. 660 at nagtatrabaho bilang nurse sa isang pribadong hospital sa Sorsogon City ay naging close contact ni Bicol Patient No. 423 na pumanaw na kamakailan. Kasalukuyang nasa pangangalaga ng ospital na kanyang pinagtatrabahuhan si Polinag.
Patuloy na nagsasagawa ng contact tracing ang PESU katulong ang provincial PNP upang matunton ang iba pang nakasalamuha ng lima.
Sa kasalukuyan, mayroon nang kabuuang 20 na aktibong kaso sa lalawigan ng Sorsogon kung saan 47 ang bilang ng nagpositibo, 25 ang bilang ng gumaling at 2 ang pumanaw mula sa sakit na dulot ng COVID19 virus
No comments:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of Sorsogon-News. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.