Ads Top

DALAWANG LSI NA PANIBAGONG KASO NG NAGPOSITIBO SA COVID-19 VIRUS, PINANGALANAN NA



Dalawang locally stranded individual (LSI) ang panibagong kaso ng nagpositibo sa COVID19 virus, ayon sa ulat ng DOH Bicol kahapon.

Sa pinakahuling ulat ng DOH Bicol, mayroon ng kabuuang 49 kaso ng COVID19 sa lalawigan ng Sorsogon kung saan 22 ang bilang ng positibong kaso, 25 naman ang gumaling at dalawa ang pumanaw sa sakit na dulot ng naturang virus.

Kinilala ni Governor Chiz Escudero ang dalawang Locally Stranded Individual (LSI) na sina Alyssa Mae Enteria Patricio, 21 taong gulang mula Brgy. San Pascual sa distrito ng Bacon sa lungsod ng Sorsogon at Leticia Rara Esperida, 58 taong gulang mula Brgy. Villareal sa bayan ng Gubat.

Sila ay boluntaryong pumirma ng waiver para maisapubliko ang kanilang pangalan at madaling matunton ng mga awtoridad ang iba pa nilang nakasalamuha.

Ayon sa Provincial Health Office (PHO) si Patricio na nakarehistro bilang Bicol Patient No. 679 ay dating nagtatrabaho bilang production operator sa isang kompanya sa Sta. Rosa sa lalawigan ng Laguna. Dumating siya sa Sorsogon noong Agosto 1 lulan ng pampasaherong van kasama ang lima pang pasahero. Si Patricio ay dumaan sa proseso ng Cabid-an Processing Unit at idineretso sa Bacia Quarantine Facility para sa mandatory quarantine.

Si Esperida na isang dialysis patient at nakarehistro bilang Bicol Patient No. 478 ay umuwi ng Sorsogon noong August 4 mula Pasay City lulan ng isang pribadong sasakyan kasama ang anim niyang kamag-anak. Sila ay dumiretso sa Brgy. Villareal Isolation Unit para sumailalim sa mandatory quarantine.

Kasalukuyang nasa pangangalaga na ang dalawa ng mga medical workers sa isang Provincial Government Health Facility sa lalawigan.



Samantala, asayang sinalubong kahapon ng umaga sa kani-kanilang mga barangay ang apat pang Sorsoganon na panibagong gumaling sa Covid-19 virus.

Pinayagan na ng Provincial Health Office na makauwi ang mag-inang Aiko Galan, 24 taong gulang at kanyang isang taong gulang na sanggol sa kanilang tahanan sa Brgy. San Rafael sa bayan ng Sta. Magdalena gayundin ang mag-live-in partner na sina Jespher Adarne at Joan Espenille na umuwi naman sa Brgy. Paco sa bayan ng Gubat matapos maideklarang sila ay gumaling na mula sa sakit na dulot ng COVID19 virus.

Inabutan din sila ng PHO ng Certificate of Quarantine Completion bilang katibayan ng kanilang lubusang paggaling mula sa naturang virus.

Pinaalalahanan din sila ni Dr. Daniel Lachica, Chief of Clinics ng Sorsogon Provincial Hospital na ituloy ang kanilang quarantine sa kani-kanilang tahanan at sumunod sa mga health protocols na ipinapatupad ng lalawigan.

Samantala, malugod namang pinasalamatan ng apat na Covid19 survivors ang mga health workers at frontliners na nakadestino sa Cabid-an Quarantine Facility sa kanilang maigting na pagseserbisyo na naging bahagi ng kanilang tuluyang paggaling.

Sa kasalukuyan, mayroong kabuuang 25 na indibidwal na ang gumaling mula sa sakit na dulot ng COVID19 virus sa buong lalawigan. (Sorsogon Provincial Information Office)







No comments:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of Sorsogon-News. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Powered by Blogger.