ISA NA NAMANG COVID19 PATIENT NAKA-RECOVER, PITONG MAGKAKAMAG-ANAK PANIBAGONG KASO NG NAGPOSITIBO SA VIRUS SA SORSOGON
Isa na namang COVID19 patient ang gumaling at pinayagan ng makauwi sa kanyang tahanan sa Senebaran sa bayan ng Matnog ngayong umaga.
Si Nonito Garlan na tinaguriang Bicol Patient No. 281 at Sorsogon Patient No. 14 ay pinahintulutan ng makalabas mula sa Covid Ward ng Sorsogon Provincial Hospital matapos mabigyan ng clearance ng DOH Bicol dahil sa tuluyan nitong paggaling.
Si Garlan ay dalawang linggong namalagi sa naturang ospital matapos magpositibo sa COVID19 virus.
Samantala, muling nakapagtala ng pitong bagong kaso ng Covid-19 ang lalawigan ng Sorsogon.
Pinangalan ni Governor Chiz Escudero ang mga ito bilang sina Analiza D. Bayoca, 45 taong gulang; mag-asawang Edgardo D. Domasian, 57 taong gulang at Anna B. Domasian, 56 taong gulang at kanilang mga anak na sina France Edgar B. Domasian, 27 taong gulang; Felip B. Domasian, 26 taong gulang; Fernan B. Domasian, 24 taong gulang ; at Raul A. Bolaños, 45 taong gulang.
Sila ay boluntaryong pumirma ng waiver para maisapubliko ang kanilang pangalan at madaling matunton ang mga iba pang nakasalamuha nila.
Ang pito na mula sa Barangay Maningcay De Oro sa bayan ng Prieto Diaz ay naging close contact ni Francisco Bayoca, 79 taong gulang na nakarehistro Bicol Patient No. 423 na namatay sanhi ng sakit dulot ng COVID19 virus noong Hulyo 30.
Ayon sa DOH Bicol, si Analiza na anak ng yumaong Bayoca ay nakarehistro bilang Bicol Patient No. 494 habang ang mag-asawang Edgardo at Anna ay Bicol Patient No. 497 at 498.
Samantala ang magkakapatid na France Edgar, Felip, at Fernan ay nakarehistro bilang Bicol Patient No. 495, 496 at 497 habang si Bolaños ay Bicol Patient No. 500.
Ayon sa Provincial Health Office, noong lumabas ang resulta na positibo sa COVID19 virus ang yumaong si Bayoca, agarang inilagay ang pito sa mandatory quarantine kung saan sila ay sumailalim sa RTK/PCR test o swab test.
Habang patuloy ang pagsasagawa ng contact tracing ng Municipal Epidemiology Surveillance Unit (MESU) ng bayan ng Prieto Diaz katulong ang PNP para sa iba pang nakasalamuha ng pito, mayroon nang 210 na iba pang indibidwal na maaring nagkaroon ng close contact sa nabanggit na mga pasyetente ang naidala na sa mga quarantine facilities.
Sa kasalukuyan, mayroong 38 kaso na ng Covid-19 sa Sorsogon kung saan 23 ay aktibo at 13 ang gumaling mula sa sakit na dulot ng virus (SPIO)
No comments:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of Sorsogon-News. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.